What DAPak?
Kasunod ng pag po-proklama ng pinakamataas na korte sa kapuluan na ang DAP o yung pondong ipinamigay ng Malakanyang para makatulong sa proyekto ng mga senador na nagkakahalaga nang mula PHP40,000,000 hanggang PHP100,000,00, sunod-sunod din ang mga sushestiyon, aksyon at mga tangang palagay mula sa iba’t ibang saray ng lipunan.
Isang congressman mula sa Negros na alyado ng
Malakanyang ang nagsabing pre-mature at walang basehan ang ang panukalang
i-impeach si Pnoy. Bumuwelta pa at sinabing malaki ang naitulong ng pamimigay
ng DAP sa ating ekonomiya, marami daw naipatayong imprastraktura sa ngalan
nito, na sinasang ayunan naman ni Ted Failon.
Pero, iyon ba ang mabigat na tanong dito? Ang
pinaguusapan ba dito ay kung nakatulong ang DAP sa ekonomiya? Hindi ba’t ang
kinukuwestiyon ay ang legalidad ng DAP?
Para mo na rin kasing sinabing ayos lang magbenta ng cocaine at heroin sa kalye kung ito’y makapag aambag sa paglago ng ekonomiya. Galing ng thought process ni congressman, halatang matalino.
Sabi naman ng kaliwa, na matagal nang pumusisyon na unconstitutional
ang DAP, grounds ito para i-impeach ang pangulo, kasama ng ilan pang basehang
nabanggit na nila nuong mga nakaraang buwan;
1. EDCA – ang kausunduang anila’y unconstitutional. Ito’y magpapanatili muli ng mga tropang kano sa Pilipinas.
2. PDAF scam –
dahil sa kakulangan ng aksyon ng Malakanyang sa pag-aabolish nito at
pagpapanagot ng mga sangkot.
3. Walang habas na pagtaas ng bilihin at ang pagkakapako
ng suweldo ng ating mga obrero sa minimum wage.
4. Kriminal na kapabayaan ng gobyerno sa nangyari sa
Eastern Visayas na dulot ng super typhoon Yolanda. Pang lima na nga ang sinasabing
unconstitutional na DAP.
Para sa kaliwa, malinaw ang mga basehan sa mga gagawin
nilang aksyon, hindi mga gawa-gawa ang kaso ang ipinaparatang tulad ng laging
ginagawa sa mga kasapian nila. Di rin tulad ng mga trapong walang sariling imik
tungkol sa mga isyu, nagkakaisa ang kaliwa sa kanilang mga paniniwala, nariyan
ang batayan, eto ang kinakailangang aksyon. Simple, walang ligoy at malinaw ang
dapat kalagyan.
Ang hindi malinaw sa akin ay ang kronikong sakit ng
ating lipunan. Taun-taon nalang mayroong panibagong isyu tungkol sa malawakang
korapsyon sa gobyerno, taun-taon nalang, milyun-milyun o di kaya’y
bilyun-bilyon ang ninananakaw sa atin ng mga sindikatong pulitiko. Erap, GMA,Jokjok
Bolante, Hello Garci, Benjamin Abalos, FG Arroyo, nasaan na sila?
Ang problema kasi, ginagawa tayong bonus stage ng mga
pulitiko, ang dali dali nating lusutan, magkakaroon lang ng bagong isyu,
natatabunan na ang luma.
Wala akong pakialam sa pangalan at laung wala sa titulo,
kapag magnanakaw, dapat ikulong. Hindi yung binibigyan pa ng priviledged speech
na gagamitin lang naman bilang magic sing. Bong Revilla, naiintindihan ko na
artista ka, pero, nung nagsenador ka, hindi mo ba naisip na.. Ah leche! Yun na
nga, nasabi ko na nuon na mula sa panahon nila C.M. Recto, Lorenzo Tanada at
Pepe Diokno, andito na tayo sa panahon nina Lapid, Revilla, at Estrada, na
talaga namang ang mga action moves eh nakakabilib. Mula sa Rizal law ni C.M.
Recto andito na tayo sa Alyas Pogi ni Bong Revilla.
Balik tayo sa ating mahal na presidente, sa Japan,
nag-resign ang kanilang prime minister dahil nakapagbitiw siya ng mga mapangutyang
komento tungkol sa kabaklaan, sa South Korea naman, nagbitiw din sa puwesto ang
kanilang prime minister dahil 250 katao na ang namatay sa paglubog ng isang
vessel na kung tutuusin, wala naman siyang direktang kinalaman, pero dahil sa
nalulungkot daw yung mga pamilyang
naapektuhan dahil hindi na-rescue ang karamihan, magreresign nalang
siya. 250! Anak ng tokwa! Sa Eastern Visayas, 6,000 mahigit ang namatay,
hanggang ngayon wala pang bahay, anong ginawa ng ating mahal na presidente?
Isang linggo bago niya nagawang dalawin ang mga lugar na naapektuhan, naunahan
pa siya ng mga media na nanggaling pa sa kabilang dulo ng mundo para mamigay ng
relief goods, at nung nagkagulo na ang
mga tao dahil walang makain, tinawag pang looters at goons. Anak ng tokwa
talaga. Pero ganun talaga, nasa Pilipinas ka eh, chaka sabi din naman ng
presidente natin, TAYO NA SA TUWID NA DAAN! Eto na yun tanga, eto na yung
sinasabi nyang tuwid na daan, ano bang inaasahan mo?
Di ko naman sinasabing magaling ang gobyerno ng South Korea at Japan dahil ganun ang ginawa
ng presidente nila, pero bilang kapwa asyano nalang na nasa isang kontinente’t
rehiyon, sana man lang, may napulot ang
ating mahal na presidente mula sa mga ginawa nila. Pero hindi yata natututo sa
karanasan ang ating mahal na presidente dahil pati yung CARP ng kanyang yumaong
ina eh ineextend niya, kahit dagsa ang mga magsasakang nagsasabing huwad ang
CARP at CARPer.
Alam mo ba yung isinisigaw ng mga nagrarali sa kalye na
BURUKRATA KAPITALISMO, IBAGSAK! Parang ang lalim, pero simple lang ang ibig
sabihin nun, sabi nila, ang gobyerno daw ay ikinasal na ang pagiging gobyerno sa
mga korporasyon, kaya’t pupwede nang gamitin ng mga pulitiko ang gobyerno bilang
negosyo upang magpayaman. Sa madaling sabi, ang mga pulitiko ay namumuhunan sa
kanilang puwesto para kumita, hindi para magserbisyo. Nga naman, eh parang
gusto nilang ipagbili lahat ng state-owned services eh. Sa pagkaka alala ko,
ang public service eh libre, tungkuling ibigay yun ng gobyerno, kaya nga sila
binuo. Sa private entity, may bayad, at ang pangunahing dahilan ng pagkakatayo
nito ay para kumita.
So, ano ngayon itong DAP? Anong gagawin natin ngayon na
unconstitutional pala ito? Wala, tatanga, nganganga, ipagpapatuloy ang
kani-kaniyang trabaho araw-araw dahil sabi nga nila, tanga, wala ka ng magagawa
diyan! Bonus stage ka lang sa mga pulitiko na kayang kaya kang nakawan kahit
kelan nila gusto, kaya wag ka ng tumingin, wag ka ng sumali, wala ka rin namang
magagawa, hayaan mo nang hanggang sa iyong kamatayan eh pagnakawan ka, wag mo
na din gamitin ang utak mo dahil dapat mo lang iyang gamitin sa pag-papayaman
ng kumpanya mo. Pasalamat ka nga’t may trabaho ka, di mo naman kasi
pinaghihirapan ang sweldo mo, ibinibigay siya ng kumpanya mo ng libre.
Kaya, men, kahit sobrang labo na ng lipunan mo, dapat
relax ka pa rin, sabi nga nung isang advertisement sa London, “Keep calm and
carry on”. Kalmante lang kahit alam mong mumu lang ang natatanggap mong sweldo
sa kumpanyang pinagtatrabahuhan mo, kalmante lang kahit 90% ng trabaho eh sa
iyo, pero .0001% lang ng kita ang napupunta sa iyo. Kalma lang, makakaraos ka
din. Oh ayun tamo, magpapakasal na yung paborito mong artista, tamo, si Jinggoy
takot sa ipis, ayan na, may bagong soap opera si Anne Curtis, oh ayun pa, eto
pa, ayun na, ayun na nga.
No comments:
Post a Comment