Wednesday, July 2, 2014

ADIK SA SHABU O ADIK SA KAPANGYARIHAN?


Hindi ko sigurado kung sino sa dalawang taong gusto kong itampok sa sulating ito ang totoong adik, hindi ko alam kung sino talaga ang lango. Ang isa, sinasabi nilang hindi maaring gawaran ng titulo bilang pambansang alagad ng sinig dahil adik, yung isa naman, kahit napiling kandidato para gawaran ng Nobel Peace Prize eh tila ba mas masahol pa sa adik.

Dalawa lang sa pelikula ni Ate Guy ang napanood ko, yung isa hindi ko pa alam ang title, Siyempre ang una ay Himala at yung pangalawa eh yung mayrong linyang “My brother. Is not. A pig!, ang kapatid ko’y tao, hindi baboy ramo!” na hanggang ngayon ay ginagamit ng mga bakla sa tuwing sila’y magpapatawa.

Makapangyarihan at epektibo ang karakter ni Elsa sa pelikulang Himala, isang faith healer na hindi naniniwala sa sarili niyang gimik, na sa huli’y binaril at napatay ng isa sa kanyang mga miron. Magaling ang mga linya at pinong pino talaga ang acting ni Ate Guy sa pelikulang iyon. Linya at acting, dalawang magkaiba ngunit mahigpit na magkatambal na elemento ng pelikula, ang linya ay isinusulat kadalasan ng script writer at ang pangalawa siyempre ay bibigyang kulay ng isang aktor/aktres. Dito daw may debate sabi ng ilang nakausap ko tungkol sa isyu, aktor o aktres nga daw ba ang dapat bigyan ng acknowldegement sa creative output habang nagmula sa direktor o sa manunulat ang creative idea na iniinterpret lang ng mga aktor/aktres? 

Siguro.

Kung ako ang gumanap na Elsa eh malamang b-movie ang naging labas nun at hindi naging box office hit. Doon sigurado ako. Ang punto, mayroong kapangyarihan ang mga aktor/aktres na bigyang buhay ang isang karakter sa pamamagitan ng epektibong pag-arte, pero nga, sila nga ba ang sole proprietor ng isang malikhaing sining, na sa kaso ni Ate Guy, eh pelikula.

Naalala ko yung isang interview ni Rio Locsin, sabi niya, nuong panahon daw nila, hindi pupuwedeng suwayin ang direktor, ang direktor daw ang diyos sa set, kapag gusto kang umiyak ng direktor, iiyak ka, kapag gusto kang tumawa, tatawa ka, kung gusto ng direktor na sabay, problema mo na yun.

Oo nga’t mayroong kapangyarihan ang mga aktor/aktres na gawing imortal ang isang karakter sa pelikula pero hindi niya ari ang pangkalahatang likha, ang pag-arte ay isang elemento ngunit napakahalagang bahagi ng isang pelikula.

Wala tayong pagtatalo kung magaling na aktres si Ate Guy, di ka naman siguro tatawaging Superstar kung hindi ka magaling, biro mo, ka-level mo si Jesus, Jesus Christ Superstar, at para patunayang magaling talaga siya, naalala ko dati tinatanong ko sa nanay ko kung ano bang ranggo ng mga star star na yan, kasi ang dami eh, may meagastar, diamondstar at star for all seasons, tapos laging ang sagot ng nanay ko pinaka mataas daw ang superstar kasi super iyon, hindi naman siya Noranian kaya natuklasan kong sinasagot niya lang ako para matapos yung usapan namin at makatulog na siya. Isa pa, wala din sigurong Noranians kung hindi eksepsyunal ang akting ng isang tao, ayos lang sakin dati yung mga fans club kasi kahit showbiz yung artista, gumagawa pa din sila ng makabuluhang pelikula, hindi katulad ngayon na kahit basura yung akting at puro tungkol sa sawing puppy love/adult love ang pelikula mo eh may fans club ka para sa marketing purposes ng mga susunod mo pang mga basurang itatapon, este ilalabas.

Hindi ko alam ang pamantayan para maging isang pambansang alagad ng sining, iiwan ko na iyon kina Nick de Ocampo at Bienvenido Lumbera.

Ngayon, sa isyung nag-adik si Ate Guy, parang ambabaw, amplastic at wala sa konteksto ang argumentong ito, patron saint ba o santo ang hinahanap ng presidente natin? Kasi sa palagay ko, kung nag-adik man si Ate Guy, at least siya nirehab na at tapos na ang pagiging adik, eh yung presidente natin, madalas ko itong sinasabi sa mga kaibigan ko, ang mga pulitko minsan mas masahol pang kumilos kesa sa mga adik. Kasi yung mga adik, ibinebenta yung mga gamit sa loob ng bahay nila para makagamit, yung mga pulitiko, kinukuha yung mga hindi kanila, inaangkin na parang kanila at ginagamit na parang kanila, at least yung adik, ref o di kaya’y TV nila ang ibinebenta, eh yung mga pulitiko, hindi na kanila yung kinukuha, gusto pa matuwa ang tao sa ginagawa nila, at least yung ibang adik, di nagpapanggap na maamong tupa kapag gagamit, basta’t gusto niya lang na bilhin mo ang ibinebenta niya sa presyong adik, tapos tapos na, walang hidden agendas, eh yung mga pulitiko, tatatawagin ka pang boss para lang makuha ang gusto niya. Tapos yung adik, kung mamerwisyo man, pa isa isa, kung may mapatay man, isa o dalawa lang, eh yung presidente, kapag nagdesisyon na wag ipamahagi ang relief goods, o kaya’y wag pansinin ang dumaraming naghihirap sa Pilipinas, higit na mas malaki ang pinsala, kapag dinedemolish ang kabahayan ng mga tinatawag nilang iskwater pagkatapos ng eleksyon, ilan kaya ang pinapatay nila?


Kaya alam mo, totoo yun, mas masahol pa ang adik sa kapangyarihan kaysa mga adik sa shabu. 

2 comments:

  1. hahaha rick nagbablog ka din pala! andami ng adik sa mundo, pero teka, Noranian ka ba?

    ReplyDelete