Saturday, October 20, 2012

Sa ika-labing isang palapag, may berdugo.

Nakatayo siya  sa gitna ng isang silid, may mga numero sa magkabilang dingding.

   
12  13  14  15  16
  6    7    8   10  11
 1    2    3    4    5


Masikip.

 Mabigat.

Amoy lupa at may kakaibang sangsang ang hangin sa loob ng silid.

Nagbabanggaan ang kanilang mga siko.

Hindi naguusap at tila may hinihintay.

1

Pagbukas ng bakal na pinto ay bumungad sa kanya ang isang hardin, may puno at mga kunehong nagtatalunan sa damuhan. 

May babaeng kumakanta sa gitna nito na mala-Etta James ang boses, hindi niya maintindihan ang kanta ngunit alam niya ang tono dahil narinig niya na ito sa isang inuman, hindi niya rin maaninag ang mukha ng babae, ang alam niya lang ay kulay puti ang kanyang suot na parang balabal ang istilo.

Amoy bagong gupit na damo ang paligid na may kahalong kakaibang lansa, marahil dahil sa mga isdang naglalangoy sa pond na nasulyapan niya bago tuluyang magsara ang pinto.

Walang bumaba sa unang bukas ng bakal na pinto.

3

Pagkasara ng pinto ay may nagsalita, "may lighter ka diyan?"

Napansin niyang may tumutulong itim na likido sa pinto, tila ba durang nahaluan ng upos at langis. Malapot.

Pakiramdam niya'y gumagalaw ang silid ngunit hindi siya sigurado kung gumagalaw ba talaga ito, bukod sa bahagyang lindol na nararamdaman niya ay wala na siyang ibang patunay na gumagalaw nga ito.

Bumukas uli ang bakal na pinto.

Tumambad sa kanya ang saku-sakong patay na uwak, walang dugo, ngunit alam niyang patay ang mga ito. Daan-libong balahibo ang nagkalat sa lupang tila namumula hindi dahil sa dugo kundi dahil sa malamlam na sikat na araw.

"Dito na tayo." Maliit ang boses ng isang lalaki. sabay silang bumaba ng dalawa niya pang kasama, naghahalakhakan habang niyayapakan ang ulo ng mga nagkalat na uwak.

Sumara ang pinto.


11

"Mga putang ina niyo!" "Mga gago kayo!" 


Sa pangatlong palapag, may berdugo, itim ang suot, may kalawit at laslas ang pangang tinahi ng maruming sinulid.

Sa mga nangamatay, padadalhan ang mga kalaguyo ninyo ng isang timbang tubig at imbitasyon naman para sa inyong libing, iuukit ito sa  lapidang kasing laki ng piso, ito'y ipadadala sa inyong mga magulang at kaanak.

Sabay tapon ng Rosas.                                                        

                                                     

No comments:

Post a Comment