Patay-sindi ang ilaw, di niya maaninag kung sino ang nagsasayaw. luminga linga at sinipat kung may makakkakita sa kanya bago sya pumasok sa silid ng bukod tanging kaligayahan niya sa buhay.
Umupo siya at tinawag ang weyter.
"Beer nga, yung malamig ha."
Nagsindi ng sigarilyo.
Kinulayan ng yellow at green na ilaw ang usok na kanyang ibinubuga. Inaabangan niya ang tanging pantasya niya sa buhay, ang dalagitang lingguhan kung magsayaw sa club.
Umiiba ng puwesto ng upo para mas maging kumportable sa panunuoring main event mamaya.
Pagdating ng serbesa ay agad niya itong ibinuhos sa baso, sabay dagdag ng yelo.
Ako si Andoy, mahilig akong tumingin sa suso at ang paborito kong kulay ay berde, dahil sabi nila, ito ang pinakamayamang kulay sa lahat, puno ng buhay at siksik ng sustansya, parang suso, nakapagbibigay ng buhay sa mga sanggol at nakapag bibigay naman ng ligaya sa mga hindi na sanggol.
Dahan-dahang lumabas ang pinakaaabangan ni Andoy, ang kanyang legs ang nauna.
Aminin mo man o hindi, talaga namang bastos ang lipunan.
Si Ding-dong Dantes daw ang dapat tularan ng mga kabataan, gwapo, artista at higit sa lahat, gwapo.
Huwag daw tularan sina Lean Alejandro, Edgar Jopson at Cris Hugo na nagbuwis ng buhay dahil sa kanilang prinsipyo't paninindigan, at nagisip di lamanng para sa kanilang mga sarili. Sabagay, kung hindi naman nakikita ng mga kabataan ang kabayanihan at pilisopiyang gumabay sa kanila, malabong gayahin o di kaya'y pagtuunan ng pansin ang mga ito.
Sa mga kababaihan naman daw ay si Marian Rivera dahil sa kanyang mala-sutlang kutis at magandang mga mata. Huwag daw sina Lorena Barros o di kaya'y si Maita Gomez na hanggang sa huling hininga ay nagsilbi sa masa.
Huwag daw silang tularan dahil sila'y nangamatay ng dilat, at isa pa, di naman daw makakain ang prinsipyo, pera ang kailangan ng tao.
Pera.
Dahil lahat ay nabibili nito, tulad ng kaibigan, asawa, o di kaya'y kaligayahan at kagandahan.
Kung wala kang pera at ipinanganak kang pangit (ayon sa lipunan mo), hindi mo mabibili ang mga produktong lubhang mahalaga at esensyal sa pagiging tao.
Sa mga komersyal sa TV, sasabihin nilang lahat para bilhin mo ang kanilang produktong pampaganda. Noong unang panahon, sabi ng mga taong may balat ng tupa sa ulo, "Beauty emanates from symmetry", wala silang nabanggit tungkol sa kulay, tangos o racial origins, nasa symmetry daw ang kagandahan, oo nga, ang sagwa naman ng taong morena tapos maputi ang kili-kili. Dati, nauso yug chin chan su na laging bitbit ng kasambahay namin, amputi ng mukha niya tapos yung leeg niya puro banil, ang sagwa, kasi hindi pantay.
Isang matinding halimbawa ay iyong Face-feet soap commercial nuong 70's na pinagbidahan ni Susan Roces, ang eksena: Amorsolo ang background, naka-tuwalya lang at habang naka-upo sa isang antigong upuang kulay puti, gamit ang kaniyang mapang-akit at makalag-lag na brip na boses, binigkas niya ang pamososng islogan ng produkto,
"Face-feet lotion, ang lotion na di lang para sa mukha at sa paa, kundi para din sa mga mukhang paa"
Di ko alam kung bakit sabik na sabik ang mga tao sa mga ganitong klaseng produkto, di ko maintidihan ang konsepto ng kagandahan para sa maraming tao, ang buhok na kulot, iniistreyt, ang buhok na unat, kinukulot. Wala akong problema sa pabago-bagong isip, ang akin lang, kung gusto mong mag mukhang walis tambo ang buhok mo para masabing nakasunod ka sa uso o gusto mo lang talagang magmukhang tanga, wag mo nalang sanang i-broadcast ito sa pamamagitan ng twitter, facebook atbp. at itago mo nalang sa iyong sarili.
Nagsimula na ang main event.
Mabagal at malibog ang sayaw ni Alice (di niya tunay na pangalan), siya ang bida sa club na iyon, siya ang dahilan ng pagtayo ng tatlumpu hanggang limampung titi ng kalalakihan sa nasabing club.
Habang iniinom niya ang serbesa ay tuloy ang sayaw ni Alice, unit-unting tinaggal ang unang saplot.
Tatlong patong yata ang damit niya noong gabing iyon, isa daw iyon sa istilo ni Alice, pampa-gana sa mga manunood.
Una, tatanggalin ng iyong lipunan ang kakayanan mong mag-isip para sa iyong sarili.
Ipakikilala niya sa iyo ang relihiyon, konserbatibong edukasyon, gobyerno at kung anu-ano pang institusyong magkakahon sa iyong mga malayang ideya.
Ang relihiyon, lalo na sa ating bansa ay isang konseptong hindi pinagiisipan, ibinibigay ito sa iyo pagkapanganak mo nang walang paliwanag, ni ha, ni ho. Sa birth ceritficate, mayroong puwang na kailangang punan ng iyong mga magulang na magtatakda ng iyong paniniwalaan sa mga sususnod na taon, "Roman Catholic" (Kristyano ka na kahit hindi mo pa alam na ang mga Romano nuong unang panahon ay mahilig sa party at orgy.) at doon magsisimula ang paglalakbay mo bilang isang bulag na taga-sunod sa mga kwento ni Lola Basyang. Parang, maniwala ka nalang, wala namang mawawala sa iyo.
Sa paaralan naman, 'di ko maintindihan noon kung bakit itinuturo ang mga aralin gamit ang lenggwaheng Ingles. Hindi naman natin ito ginagamit kapag tayo'y nakikipaglaro sa ating mga kaibigan, hindi natin sinasabi sa mga kalaro nating "Hey, you are stepping on my holen, that's a violation of our rules! Let's start over!", ang sinasabi natin ay "Maduga ka, inaapakan mo ang holen ko, ulitan!", kapag naman pinapagalitan tayo ng nanay natin noon, hindi naman niya sinasabing "You sick little bastard, you broke the vase again! Lie down!", ang sinasabi niya'y "Naku, nabasag mo nanaman ang vase! Dapa!", yun kasi ang lengwaheng naiintindihan natin, yun ang nakagisnan.
Sabi nga ni Bienvenido Lumbera, isang national artist na minsang nagbigay ng talk sa aming university, "Ang pinaka epektibong pamamaraan ng pagtuturo ng isang bagay o konsepto sa isang bata ay sa pamamagitan ng paggamit ng lenggwaheng lubos na naiintindihan ng bata, kung ilonggo ang bata, dapat ay turuaan muna siya ng mga batayang konsepto sa salitang ilonggo, kung ilokano naman ay ganun din, nang sa gayon ay hindi malito at hindi agad makalimutan ang inaral.
Kaya siguro hindi ko masyadong na "grasp" ang esensya ng matematika nuong high-school dahil bukod sa ingles ang gamit na lenggwahe, karamihan ng mga math teachers ay terror, kung hindi matabang nakakatakot, seksing nakakatakot kaya kung napunta sayo ang una, takot kang pagaralan ito, kung ang pangalawa naman ay sisilipan mo nalang sa pamamagitan ng salamin sa sapatos.
Walang masama sa pagtuturo gamit ang wikang Ingles, minsan lang kasi mahirap gamitin ang lenggwaheng hindi mo naman nakasanayang gamitin, kumbaga, walang praktikalidad, maganda ang subject pero mali ang approach.
Sa paniwala ko, ang edukasyon at dunong ay kinakailangang may praktikalidad, hindi lang minememorize, hindi lang inuulit ulit at pagkatapos ay tapos na, 'di umuunlad.
Malapit na sa kalagitnaan ang kanta, dahan-dahang hinuhubad ni Alice ang pangalawang saplot, tila ba nanunukso pa at ibinabalik balik sa tuwing makakakuha ng positibong reaksyon sa mga manonood. Itim ang bra niya, pula naman ang sa ibaba, may mga sumisipol at ang iba naman ay tuloy sa pag-lagok ng alak habang pinagpipiyestahan ng tingin ang makinis niyang katawan. Amoy usok ang paligid at panaka-nakang may dumaraang weyter sa harap ni Andoy. Nakalahati niya na ang inorder na beer at nakaka-dalawang yosi na rin. Naisip niyang kung may pera lamang siya ay iteteybol nya ang pantasyang si Alice, ngunit construction worker lamang siya, wala mang pamilya ay gipit pa rin sa pera, kaya't mata nalang ang pararausin niya.
Pangalawa, tatanggalin o di kaya'y palalabnawin ng lipunana ang kakayanan mong mag isip ng kritikal.
Ipapakain niya sayo ang sandamakmak na balita ng patayan, lokohan, kuchabahan at karahasan, karahasang bunga ng kamangmangan at tuwirang kapabayaan ng lipunan.
Kapag nanunood ka ng balita, tila ba ayaw kang palabasin ng bahay ng mga reporter, parang gusto ka laging takutin sa mga balitang inihahatid nila, nakakatakot na nga ang boses, nakakatakot pa ang balita, double dead, redundant, redundant. Puro petty-crimes at kalokohan ng small time na sindikato ang ibinabalita, kaya karamihan ng masa, takot pumunta sa ganito, takot mamili duon, dahil sabi ng balita, delikado. Hindi ibinabalita ang kalokohan ng mga makapangyarihang pamilya, pulitiko at berdugo, kung ibalita man, fabricated, kutakotakot na palabok at cover-up ang natitira sa masa.
Bakit sa ibang bansa, oo ibinabalita din nila ang patayan at iba pang klase ng karahasan, pero hindi iyong ang laging main event, dito kasi sa atin parang main event lagi ang patayan, minsan nga naiisip ko na may confetti pang nalalaglag habang ibinabalita ang isang patayan sa Tundo,
"And for our main event, isang lalaki, pinagtataga ang kapitbahay dahil sa alitan tungkol kay Paquiao!" tapos tumutugtog ang kantang what a wonderful world ni Louis Armstrong.
Yun kasi ang binibili ng mga manonood, ganun kasi ang lebel ng mga masang Pilipino, natutuwa sa balitang hindi sila kasangkot at bahagyang nakakatawa at totoong nakakatakot.
Kapag naman may massacre, ginagawan pa ng pelikula, yung Antipolo massacre na pinagbidahan ni Cesar Montano at Dawn Zulueta, 1996 yata yun, nakaka panindig ng balahibo ang mga eksena, si Carlo J. Caparaas ang direktor nun. Ang istorya ay sinapian si Cesar Montano ng demonyo dahil sa bolong ibinigay sa kanya ng isang matanda at pinagtataga ang buong pamilya.
Mahal talaga ng mga Pilipino ang salaitang karahasan, parte ito ng araw-araw nating buhay. Isa itong batas na tuwirang umiiral sa kanilang mundo. Yun lamang ay mali ang gamit ng karahasan sa atin, ginagamit ito ng kakaunti para takutin ang karamihan, dapat ay baliktad.
Sa Japan, ang balita ay parang eskwelahan ng mga mamamayan, sa balita nila pinadadaan kung paano maglaro ng basketball, soccer at kung anu-ano pa, ipinaliliwanang ang mga rules nito, ilan ang kailangang manlalaro at kung saan pwedeng laruin, ganun din ang mga ibang bagay na makakatulong sa pang araw araw na gawain, tulad ng paggawa ng walis na gawa sa mga disposable container o di kaya'y kung paano ka makakapag kape sa iyong bubong habang tirik na tirik ang araw, mga simpleng bagay na may paggagamitan, hindi nananakot, kundi nagtuturo ng kultura at pinagmulan.
Pero hindi rin naman puro karahasan ang mapapanood mo sa TV, mayroon ding kasiyahang mahigpit na nakatali sa pamimigay ng jacket, pera at CD. Oo, yun na nga ang tinutukoy ko, ang mga paborito nating palabas tuwing pananghalian, ang walang humpay na palakpakan at hiyawan dahil sa mga seksing babaeng may dalang kahon at sumasayaw na parang jelly ace ang katawan, sa ganyan sumikat sina Rochelle, Luningning at Milagring. Ipamumudmod ng mga host ang sangkaterbang premyo sa mga manunuod, at sasabihing ito ang kanilang serbisyo sa ating mamamayan.
Ang serbisyo ay hindi humihingi ng anumang kapalit.
Sa dami ng komersyal sa pagitan at sa mismong programa nila ay doble o triple pa ang kanilang kinikita kumpara sa kanilang ipinapamigay. Ang mga programang ito ay talaga namang mabisang daluyan ng konsumerismo na kung saan tinuturuan ang mga taong bilhin ang kanilang mga produkto dahil inindorso ng kanilang mga idolo.
Magandang panuorin, syempre, sino ba naman ang di matutuwa sa kantahan, sayawan at pamimigay ng pera? Ngunit ang ganitong tanawin ay talaga namang masakit sa mata. Naalala ko ang programang Wowowee sa ultra, 'di ko alm kung matatawa ako o malulungkot sa nabalitaan, parang sinabi ni Willie na "Oh halikayo, punta kayo dito, pipili ako ng sampu hanggang isandaang tao na sususpalpalan ko ng isang libo hanggang isang milyon." Tapos yung mga tao syempre puntahan dahil sa hitsura ng ekonomiya natin na ang iba ay alikabok na lang ang kinakain araw-araw, malamang papatok ang ganoong gimik.
Naganap na nga't nagkagulo pa, stampede! Ilan ang namatay at marami ang nasaktan. Mukhang pera tuloy ang labas ng ating mga kababayan. Pero sa totoo lang, may ibang mga tao na umaasa talaga sa mga TV programs tulad ng nabanggit para sa kanilang kabuhayan, umaasang mabigyan ng 1/100000000000000 tyansang manalo.
Sa araw-araw nilang kinkaharap ang hirap at pag-iisip para masolusyunan ito, hindi na nila magawang mag-sisp ng kritikal at palalimin ang esensya ng kanilang buhay, dahil may balita sa umagang mananakot sayo at may programa naman sa gabing magpapatawa sa iyo.
Parang mind control lang. Pinapaikot ka ng pinapaikot habang ang kakaunti ay yumayaman ng sobra, at ang maliliit ay dahan dahang nilalamon ng kumunoy ng kahirapan.
Wala na silang pakialm dun dahil tinanggap na nilang iyon ang papel nila sa mundong ibabaw, ang manalo kahit minsan ng sandaang libo sa Willing willie o sa Eat Bulaga.
Ang pagsasamantala ay naging pagtulong sa kapwa, ang panlalamang ay naging serbisyo, ang tinapay ay naging bato, ang artista ay naging diyos mo, at ang sabihin nila ay laging tutoo. Ang bastos ay naging katanggap tanggap, ang salita ng mamamatay tao ay nagiging batas. Baliktad na nga ang mundo.
Pinalabnaw na ang mga depinisyon ng mga bagay at salita sa iyong lipunan dahil sa mga programang napanuod sa telebisyon.
Hubad na si Alice at todo-pokus na ang mga kalalakihan.
Bumubuga paminsan-minsan ang smoke machine sa stage, at tila sinasabayan si Alice ng mga ilaw na habang nagsasayaw ay bahagyang natatakpan ang suso ng usok na mabilis ding naglalaho. Tahimik na ang mga miron, di tulad nuong may saplot pa ang dalaga, titig na titig na sa utong at puke ang mga kalalakihan, iyon kasi ang binayaran nila, iyon ang dahilan ng pagpunta nila, ang makakita ng legs, utong at puke ng ibang babae, hindi sa asawa o sa syota nila. Nang umisplit si Alice ay medyo nakiliti ang diwa ni Andoy, inuumpisahan niya na ang pangalawang bote ng beer na inorder niya. Tumatakbo sa isip niya ang mga gusto niyang gawin kay Alice, mga marurumi at masasamang bagay. Ganun din ang iniisip ng mga katabi niya at halos lahat ng lalaki sa paligid niya. Enjoy na enjoy silang panuorin ang hubad at makinis na katawan ni Alice.
Sa gigil ng isang lalaki ay lumapit ito sa stage at tinangkang hawakan ang katawan ni Alice, pumalag siya at nagkagulo sa club, naghuramentado ang nagtangkang humawak kay Alice at biglang nag labas ng Baril, sundalo pala ito ng 154th Infantry Brigade. Mabilis ang mga sumunod na kaganapan, Unang pinutukan si Alice, dalawang tingga ang bumaon dibdib ni Alice at pagkatapos ay walang habas na nagpaputok ng baril ang sundalo sa miron, agad na dumapa si Andoy at dahan dahang gumapang palabas ng club, naaninag nya ang labasan dahil sa mga pulang mga letrang ang sabi ay EXIT.
Narating ni Andoy ang labasan habang patuloy ang pagpapautok ng baril ng sundalo sa loob, agad siyang tumayo at kumaripas ng takbo, sa kaniyang pagtakbo ay biglang kumirot ang kanyang kaliwang dibdib. Napaupo siya at sinilip ang dibdib, naglawa ang dugo sa kanyang t-shirt na puti, nanghina at hindi alam ang gagawin, walang tao sa paligid at madilim...
Ang mga namumulat at nagpapasyang sumuway sa agos ng pagkawalang pakialam ay sinusuklian ng bala.
Ang mga naghahangad ng hustisyang panlipunan ay binubusalan o di kaya'y pinapakain ang busal at sabay puputukan ng M16 sa ulo.
Kamatayan ang kapalit ng pagnanais na mabago ang lipunang ginagalawan.
Silang mga pinatay, dinukot, tinortyur at ikinulong.
Silang mga hinarass at pinagtangkaan ang buhay at hinalughog ang bahay, silang mga walang litrato sa mga libro ng kasaysayang itinuturo sa mga konserbatibong paaralan.
Silang nagpakatatag sa oras ng ligalig, silang mga puspos na kumikilos.
Sa kanila.
Sa kanila natin utang ang mga progresibong patakarang ating natatamasa ngayon.
SA KILUSANG PAGGAWA; ang ocho oras na pagtatrabaho at break time, ang mga paid leaves at holiday, ang maka-taong kundisyon sa trabaho at ang pagtatakda ng minimum wage na sinusubukan pa rin nilang pataasin.
SA KILUSANG MAGSASAKA; ang pagpapataas ng presyo ng kalakal at pagpapababa ng usura, ang pagbibigay ng aral sa ating magsasaka kung paano pauunlarin ang produkto at praktika, at pagtatayo ng mga kooperatibang magsisilbing matibay na pundasyon para sa sosyalistang ekonomiya.
SA KILUSANG ESTUDYANTE; ang pag-buo ng magna carta of student's rights at paglaban sa walang habas na pag-taas na matrikula at miscellaneous fees.
SA KILUSANG BURGIS; na naglalayong gawing pambansa ang mga esenyal na industriya tulad ng kuryente at tubig.
Sa kanila tayo dapat magpasalamat, silang hindi humihingi ng anumang pasasalamat o papuri.
Ang serbisyo nila'y hindi tinutumbasan ng kahit anong halaga ng salapi.
Silang hindi naghangad na mailagay ang mukha sa mga poster dahil sila'y nagpatayo ng basketball court o di kaya'y nagpa-liga o di kaya'y nagpakulay ng buhok.
Oras para makinig.
Iyan ang kanilang hinihingi sa bawat taong kanilang nakikilala, oras para pag-usapan at sabay intindihin ang pinagdadaanan ng nakakaraming tao sa Pilipinas.
Oras para pagusapan ang inilulunsad na rebolusyon sa kanayunan para mabago ang lipunan.
Ang lipunang nakagisnang bastos, marahas at puno ng pananankot.
Sa kanila tayo magpasalamat.
Sa mga taong nag-armas hindi para protektahan ang sariling pananim bagkus ay pananim ng iba.
Sa mga taong walang pagmamay-ari kundi ang kanilang prinsipyo't paninindigan.
Umaga na nang binawian si Andoy ng buhay.
Dinaan daanan lang siya ng mga tao sa pag akalang isa itong taong grasang duon natutulog.
Masaya siguro siyang namatay dahil napanuod niya ang pantasya ng kaniyang buhay.
------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------
No comments:
Post a Comment