Saturday, July 14, 2012

Ang pagpalakpak ng mga Ul-ul sa bakuran ni Tata Enchong



Isa akong hallucination na nagkaroon ng sariling utak para ikwento ang lahat ng nangyari.

Sabi ng utak mo, ganito ang nangyari: pinulot nya ang mga dahon at sabay sabay itinapon sa isang dram at saka sinilaban. Umusok at unti unting namatay ang apoy.

Pero, ito talaga ang nangyari:

Umiiyak ang mga engkanto sa mga dahon at habang pinupulot siya ni Tata Enchong ay sabay sabay nilang kinakanta ang orasyong itinuro sa kanila ng kanilang mga ninunong nauna pa sa mga daynasor, maliit sila, bilog ang mukha, matalas at maitim ang ngipin, ang kanilang mga mata ay maliliit at laging nanlilisik at may alanganing bukol alanganing sungay sa kanilang mga ulo, ang katawan nila’y parang sa malnoris na bat.

Sila ang tinatawag naming mga Ul-ul, mula sila sa lahi ng mga upod, maliliit, mabibilis, may sariling lenggwahe at sibilisasyon. 

Batid nilang katapusan na nila kaya’t kinanta nila ang kanilang death song.

Ang mga ul-ul ay nakatira sa mga dahon, lima hanggang sampung ul-ul ang maaring tumira sa isang dahon, hindi sila maaring lumipat ng kanilang tinitirhan dahil hindi sila marunong maglakad, kaya’t kahit kapag natuyo ang dahon na kanilang tinitirhan ay malalaglag na lang ito at kasabay nito ang kanilang nalalapit na kamatatayan dahil kapag kapag unti unting natuyo ang dahon na nagsisilbing kanilang tirahan ay unti unti rin silang manghihina at kakainin ng alikabok.

Marami pang ul-ul sa probinsya ng Samar, Leyte at Hagonoy, sa bulacan.

Ang pagkain nila ay alupihan. Sa isang alupihan ay maari nang maghati ang limang pamilya ng mga ul ul, pinipiraso nila sa lima ang isang alupihan, gaano man ito kalaki, ang unang hati ay mapupunta sa unang pamilyang may pinakamatandang miyembro, kinakain nila ito sa pamamagitan ng kanilang kubyertos na kung tawagin nila ay inggatto, para siyang isang straw na pa-kutsara sa dulo, paborito nilang parte ang paa ng alupihan dahil sabi nila, ito daw ang pinaka malinamnam. 


Inihahatid sa kanila ang mga alupihan ng isa pang uri ng engkanto na kung tawagin ay Perranocha, sila ang kumukuha ng pagkain para sa mga Ul-ul, sa isang puno ay may limang Perranocha, Sila ang naatasang magsilbi sa mga Ul-ul mula ng magunaw ang kaharian ng Erethreas (Ang kaharian ng nagkakaisang engkanto ng Ilocos) nuong nilusob ng mga Kastila ang gubat na pinagtataguan ni Hermano Pule. Sinunog ng mga Kastila ang gubat para hindi na balikan ng mga tao at kasabay nuon ay tinangay na ng hangin, ulap at tubig ang mga engkantong nakatira sa Erethreas.

Habang nililitanya nila ang orasyong pamana sa kanila ng kanilang mga ninuno ay unti unti silang tinutupok ng apoy, “intimiti intimiti, perranocha perranocha, sancti sancti,” ika nila habang inuupos ng apoy ang kanilang berdeng katawan.

Mula sa tuktok ng puno ay tanaw na tanaw ng mga alupihan ang mga mukhang tila bagang mga kandilang unti unting natutunaw, katabi nila ang mga nagluluksang ul-ul at habang nasusunog ang mga Ul-ul ay nagpapalakpakan ang mga alupihan.

No comments:

Post a Comment