Monday, August 16, 2010

The interpretation of dreams and other related



Sabi ng isang propesor ko dati, ang panaginip daw ang nangyayari kapag ang ating memory box ay napupuno, at yung mga imaheng umapaw, yun daw ang lalabas sa ating panaginip. Ang ating memory box daw ay parang isang storage na may 64GB na capacity at ang laman nito ay ang mga imaheng nakita natin sa mga nagdaang araw, tulad ng poste ng ilaw, plato, jeep,krus at simbahan, kutsara't tinidor, mukha ng isang estranghero at kung sino-sino pa.

Masarap managinip, lalo na kung masaya at tamang lab story ang iyong panaginip, example: may unicorn na tumatakbo at pag-talon niya ay may mabubuong rainbow nay may ulap sa paanan niya, tapos lalabas ang crush mo na naka sandong puti at sasabihin sa iyo, "are we good?".  example2: may na-meet kang leprechaun sa iyong panaginip at ibinigay nya sa iyo ang pot of gold nya na may kasamang freebie: babaeng ubod ng ganda na nakabikini.

Hindi talaga ako magaling sa pagbibigay ng example ng masayang panaginip, dahil sa naaalala ko, grade five pa noong huli akong nanaginip ng masaya, hindi pa sa bahay namin, sa bahay ng pinsan ko, pagkagising ko ay may imahe ng katawan ng babae, naka-itim ngunit ubod ng puti, walang mukha pero kamukha ni rossana roces, basang basa ang kama namin, double deck pa naman at nasa itaas ako. nakakahiya,  (kagatin ang labi kung nagets ang sinabi ko). Hinintay ko muna kaming makapag-umagahan bago ko sinabi sa pinsan ko, cool naman sya dahil tinawag nya lang yung maid nila at sinabing pakilabhan ang kamang ginamit ko. At pagkatapos ng panaginip na iyon ay wala na akong naalalang panaginip ko na mas masaya pa dun.


Ang mga sumunod na panaginip ko na ay may mga magkakahawig na tema, tulad ng "Ang tandem ni Delia Maga at Flor Contemplacion", di naman sila sabay namatay at sa pagkaka-alala ko ay sa magkaibang bansa yata sila nahatulan ng kamatayan, pero hindi ko alam kung bakit nagkasabay sila sa panaginip ko, lecheng director ng panaginip ko pinagsabay pa ang #1 at n#2 sa listahan ko nung bata na pinaka-nakakatakot na pangyayari/tao.

May pelikula kasi nuon si Gina Alajar bilang si Delia Maga at si Nora Aunor naman bilang si Flor Contemplacion, parehas ko silang pinanood at hindi ko alam kung dapat ba siyang pinapanood ng mga bata, ano, para sabihin sa kanila na kapag nagtrabaho ang mga tatay at nanay nyo sa ibang bansa, ganito ang mangyayari sa kanila. Kung hindi bibitayin o kaya ay bibitayin, bibitayin sila. Hindi kaya pumasok sa mga isip ng mga nanay at tatay natin na ang tanging solusyon sa ganoong klaseng trahedya ay yung magkaroon ng estable at disenteng trabaho ang mga Pilipino sa sarili nilang bansa ng sa gayon ay hindi na nila kailangan umalis para bitayin o putulan ng kamay o tirahin sa pwet o tirahin sa ilong ng mga Arabo? Alam naman siguro ng ating mga nanay at tatay na hindi pantay ang ating karapatan kapag tayo'y nasa ibayong dagat.


Ang gusto ko talagang ikwento ay yung mga istorya sa panaginip ko nitong mga nagdaan buwan, hindi kung ano-anong solusyon sa mga problema ng bayan tulad ng unemployment and labor exodus=create stable and decent jobs inside the country, humongous debt crisis=national industrialization at land disputes=genuine agrarian reform. 

Una: "Sa isang makitid eskinita nagsimula, parang sa Maynila, Divisoria yata, may mga tao at nakaupo ako sa isang bangko na maluwag ang pagkakapako. may mga nag-iinuman nang biglang may sumigaw, hoy! %$%%!!@%$!! May pumasok sa eskinitang kinalalagyan namin, mga goons na ang dating ay mga alagad ni Paquito Diaz sa mga pelikula nya, sa akin nakatingin, at patakbong lumapit sa kinauupuan ko, tumakbo ako kasama ang katabi kong blanko ang mukha, mabilis ang aming takbo ngunit malapit ang boses na naririnig ko, hindi ko maintindihan ngunit solidong takot ang gustong iparamdam ng mga salita. Sa aming pagtakbo may eksenang humarap kami sa mga goons at dahan-dahan silang lumapit sa amin, ngunit bago pa sila lumapit ay tumalikod ako at biglang bangin na ang aking kaharap, nahulog ako sa bangin." Ilaw... Nagising na ako.


Pangalawa: "Kumpleto ang angkan ko sa isang maganda at refreshing na restaurant, magaan ang ambience at maaliwalas ang mukha ng bawat isa, pero si kikay, ate cheryl, ate len, tita fe, tito ichie lang ang malinaw kong nakikita ang detalye ng mukha. Malakas ang tawanan, halakhakan ng nanay ko at ni mama(tita ko, pero tawag ko sa kanya ay mama), kilala ko ang tawa nila dahil palagi ko itong naririnig kapag sila'y magkakasama. Punong puno ng pagkain ang mesa, may hipon, alimango, cake at kung ano-ano pa, amoy mantekilya ang buong paligid ng biglang may bumagsak! sumilip ako sa pinto at naglakad papunta dito, sa paglalakad ko ay nakita ko si tito mario (asawa ni tita fe na kakamatay lang nung isang buwan noong mapanaginipan ko ito), may dala-dala siyang malaking lalagyan ng plato at nakabihis na parang isang chef, bahagya siyang naka-ngisi. Narating ko na ang pinto at biglang nag-amoy pine tree at lumamig.Napansin kong nasa isang parte ako ng mines view sa Baguio, sa lugar kung saan sinasalo ng mga batang igorot ang mga baryang hinahagis sa kanila mula itaas (wala na ito ngayon dahil nasilip ng CHR, hindi raw maka-tao). May sabog-sabog na utak sa mga bato, tao ang narinig naming bumagsak! wasak ang kanyang ulo kaya't buhok nalang at pira-pirasong laman at utak ang nakita ko. naglabasan ang mga pinsan ko at si tito ichie na sumigaw na parang isang bakla at nagtatalon sa takot o siguro'y sa diri sa kanyang nakita. Tumakbo si tito ichie papunta sa mga punong kahoy at habang palayo siya ay dahan-dahang nagliwanag ang paligid..." Nagising na ako.

Pangatlo: "Nagsimula sa isang mall, kung hindi Galleria ay Megamall. habang naglalakad ay may nakita akong itim na cortina, nilapitan at hinawi ko ito, nakita ko ang isang mahabang walkway, madilim at sa dulo ay mayroong ilaw, lamesa at taong hindi ko maaninag ang mukha, pumasok ako at nilapitan ang ilaw, pagdating ko sa dulo ay nakita ko ang isang matandang babae, sobrang tangos ng ilong na hawig sa ibon, malalim at matalas ang kanyang mga mata, kulubot ang kanyang maputing balat at may kakaibang tipo ng pagka-kuba, ang suot nya'y parang sa isang gypsy na para ding isang manghuhula, itim ang kulay nito at may mga palawit na gintong kumakalansing. 

Nagising ako at naalala kong malapit na akong mag birthday, 13 yrs. old na ako. Sa director ng mga panaginip ko, salamat sa regalo mo! Hindi lang isang beses kong napanaginipan ang matandang babaeng ito, nag-guest din sya sa ibang horror-fantasy kong mga panaginip.


Sabi ni David Hume, hindi raw pwedeng managinip ang isang tao ng mga bagay na hindi niya pa nakikita sa buhay niya, ang mga konseptong tulad ng sa unicorn o kaya'y isang anghel ay ang tinawag nyang mga "complicated ideas", Napaghahalo daw natin ang mga simpleng ideya tulad ng kabayo at kambing o di kaya'y isang tao at ibon sa pamamgitan ng ating isip. Isip lamang daw ng tao ang kayang makagawa ng mga "complicated ideas".

Si Rene Descartes naman ang naka-isip na maaring mayroong hiwalay na mundo ang tao kapag gising at kapag tulog, paliwanag nya na ang mga emosyon at nararamdaman ng mga tao kapag sila'y nananaginip ay tulad din ng emosyon nito kapag gising, takot, saya, libog, hindi mo nga lang ito kontrolado dahil hindi ito tuloy-tuloy at isang bagsakan (dahil gumigising ka). Ngunit posible daw na may hiwalay na mundo ang tao sa kanyang panaginip.

Kung tama ang sinasabi ni Descartes, mukhang puno ng kadiliman at mga hindi ka nais nais na mga bagay ang mundo kong iyon.

Thursday, August 12, 2010

Socrates; ang taga-paghasik ng kamangmangan.



Iniimagine kong isinusulat ko ito habang nakikinig sa kanta ng RASP na may lyrics na "basagan ng mukha!".

Hindi ko alam kung bakit pero paulit-ulit na naririnig ko sa isip ko ang kantang iyon, Siguro'y gusto kong mang-basag ng mukha ng tao, hayop o ng bagay, peo hindi naman dahil payapa naman sa aking kinalalagyan ngayon, kulay blue ang pader, maraming silya na ang iba ay sira, marami ring babaeng naka-blue na alanganing stewardesss, alanganing waitress ang dating. Nag-uusap sila sa pamamagitan ng salita, "anong ginawa nyo last meeting?", "pahiram ng foundation", "kumusta kayo ng boyfriend mo?". Pero ang totoong itinatanong nila sa isa't isa ay "bakit ka nandito?" at "ito ba talaga ang gusto mo? dahil sa dami natin, baka kulang na ang oportunidad para sa atin", hindi ako sigurado sa pangalawa ngunit sa una'y nakakatiyak akong naitanong na niula sa kanilang mga sarili, isa o dalawang beses sa isang taon.


Maya-maya ay darating na si Aristotle at magpapaliwanag ng kung ano-anong kagagguhan tungkol sa politika at heograpiya ng Asya.

Masarap makinig kay Aristotle dahil marami syang sinasabing kaintri-intriga gaya ng ang kapitolyo ng Pilipinas ay Quezon City, pangalawa daw dun ay ang Maynila.

Si Socrates naman ang nagsabing ang nag-introduce ng sistemang public-education sa Pilipinas ay ang mga Espanyol at hindi ang mga Amerikano at ang Thomasites. Si Socrates din ang nagsabi na walang magandang bagay, pag-iisip at anumang anupamang iniluluwal ang digmaan.

Sinabi nya nung isang araw sa amin na birthday ng kanyang asong si Asodin kaya't walang pasok nung araw na iyon, pero kapalit non ay gigising kami sa araw ng linggo para kausapin sya sa pamamagitan ng internet at webcam at dun daw siya magbibigay ng pagsusulit. Si Socrates din ang nagpaliwnag sa amin kung bakit lumiliyab ang utot at kung bakit paboritong kainin ng mga bata ang kulangot.

Deep researcher kasi itong si Socrates kaya't hindi niya na kailangan ng mga online encyclopedia tulad ng wikipedia para back-upan ang mga highly academic superlative omega monstrous jambalasik nyang course syllabus. Punong puno ng mga complicated books and references, kaya naman ang discussion sa kanyang klase ay tungkol sa tamang pag-pronounce ng salitang "attache". Inabot kami ng tatlong buwan bago namin mipronounce ng tama ang salita, kaya naman natapos ang semestre ng hindi man lang namin nalaman kung ano talaga ang ginagawa ng isang "attache", tugon daw ito sa programa ng unibersidad na "SPEAK ENGLISH, GO GLOBAL!".

Naalala ko nung minsa'y ipakilala niya ang isang tanyag na alagad ng sining sa isang symposium na ginanaap mismo sa tuktok ng bulkang Mayon, ibinase ni Socrates ang credentials ng tanyag na alagad ng sining sa kanyang paboritong libro, source, bible, tissue, paper, nobela, diyos... ang WIKIPEDIA.

NAGALIT ang alagad ng sining kay Socrates, nagliyab ang kanyang ulo at sumunod ang kanyang mga kamay at sa wikang latin ay sinabi nya kay Socrates, "IKAW ANG TAGAPAG-PUNO NG TIMBA NG KAMANGMANGAN, PINAPADALOY MO SA LUBID NG TAKOT ANG IYONG AWTORIDAD!! KAYA'T GAGAWIN KITANG ISANG PLATITONG BABASAGIN!"...

(Lahat ng nassabi ay nangyari lamang sa loob ng aking munting isip at pawang walang katotohanan)

Tumayo si alagad ng sining at sinabing sobra at kulang ang pagpapakilala sa kanya ni Socrates, itinama niya ito at nagpatuloy sa kanyang talumpati.

Sana nga'y nangyari na lang talaga ang istoryang nabuo sa aking isip dahil hanggang ngayon, naghahasik pa rin ng kamangmangan si Socrates.





Ngayon alam ko na kung anong ang gusto kong basagin. :)